MANILA, Philippines – Personal na iniharap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si dating PDEA official Lt. Col. Ferdinand Marcelino para sa preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) sa kinakaharap niyang P320 million drug possesion, manufacturing at iba pang kaso.
Bantay sarado si Marcelino nang dumating ng DOJ dakong alas-2:00 ng hapon kung saan nakasakay ito sa puting van ng PDEA.
Agaw pansin naman ang kapatid na madre ng military officer na nagpakilalang si Minerva Marcelino na nanguna sa grupo ng mga taong nananawagan sa mga opisyal ng pamahalaan para palayain ang kaniyang kapatid.
Sa pagharap ni Marcelino sa prosecutor na may hawak sa kaso, sinumpaan niya ang affidavit na tugon sa kinakaharap niyang mga reklamo.
Hiniling din ni Marcelino sa DOJ na mailipat siya ng detention facility sa Camp Crame.
Magsusumite naman ng reply affidavit ang PDEA laban sa counter affidavit ni Marcelino sa Pebrero 3.