MANILA, Philippines – Walo katao ang dinakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) matapos mabuko ang ginawang pamemeke umano ng mga ito ng police clearance na ipinamamahagi sa mga taong gustong kumuha nito sa lungsod.
Sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang mga inaresto na sina Adrian Atendido, 26; Clard Kenneth Ganias, 26; Jeoffrey Ilano, 28; James Arvin Ramos, 20; pawang mga encoder; Ma. Louieza Trinidad, 21, cashier; Pedro Camo, 41, utility worker; Irene Morales, 33, encoder; at Melvin Mangulabnan, 24, officer in charge.
Habang pinaghahanap naman ang isang Cristina Bunagan, chief executive officer/President ng Eastland Printink Inc., na matatagpuan sa Sitio Tatalon, Barrio Ugong, Valenzuela City.
Ayon sa ulat ni PO3 Jaime de Jesus ng QCPD-CIDU, ang mga suspect ay dinakip base sa reklamo ng pamunuan sa pangunguna nina P/Chief Insp. Rogelio de Lumen ng Warrant and Subpoena Section; at P/Chief Insp. Manolo Salvatierra ng Police Clearance Section, DIDMD ng naturang kapulisan.
Sila ay inireklamo ng paggamit ng pekeng pirma o counterfiet seal o stamp at falsification of public individual at use of falsified documents, at operating without business permit.
Ang pag-aresto ay naganap sa may Novaliches District Office (mini city hall) na matatagpuan sa Jordan Plains, Barangay Sta Monica sa lungsod.
Nabuko ang operasyon ng grupo nang makatanggap ng reklamo ang QCPD police clearance section kaugnay sa overpriced na bayad sa pagproseso ng Quezon City Police clearance.
Nang isumite ang naturang dokumento sa pulisya, lumitaw na ang isyung police clearance ay nagtataglay ng pirma nina P/Chief Insp. De Lumen at P/Chief Supt. Edgardo Tinio, director ng QCPD.
Lumitaw din na ang identification card ng police clearance ay magkaiba sa police clearance na inisyu ng QCPD. Nalaman din ng complainant na ito ay naipost sa website na may titulong 24/7 online na hindi naman batid ng mga kawani ng police clearance section ng pamunuan.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ng P/Chief Insp. Lumen na magsagawa ng pagmamanman sa lugar hanggang sa maaktuhan nila ang mga suspect na nagpo-proseso, tumatanggap ng pera at nagi-isyu ng resibo at police clearance cards sa mga aplikante.
Sinasabing hiningan pa ng awtoridad ng dokumento ang mga nasabing suspect na nagpapatunay na lehitimo at legal ang kanilang operasyon subalit wala silang mailabas dahilan para sila imbitahan sa nasabing himpilan para sa pagsisiyasat.