Riot sa Quezon City jail: 10 sugatan

Sa inisyal na ulat ng pamunuan ng Quezon City Jail, nangyari ang riot ganap na alas-2 ng mada­ling araw, matapos na isang preso na nakilalang si Jeffrey Daclan, na sinasabing may problema sa pag-iisip ang bigla na lang umanong nanuntok ng isang medical coordi­nator na miyembro ng BNG habang ito ay nasa loob ng Medical Unit ng natu­rang piitan. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Dahil sa maling akala­, su­miklab ang riot sa loob ng Quezon City Jail sa pagitan ng dalawang kila­bot na grupong ‘Bahala na Gang’  at ‘Sigue Sigue Sput­nik’ (SSS) kung saan 10 preso ang iniulat na nasugatan, ayon sa ulat kahapon.

Sa inisyal na ulat ng pamunuan ng Quezon City Jail, nangyari ang riot ganap na alas-2 ng mada­ling araw, matapos na isang preso na nakilalang si Jeffrey Daclan, na sinasabing may problema sa pag-iisip ang bigla na lang umanong nanuntok ng isang medical coordi­nator na miyembro ng BNG habang ito ay nasa loob ng Medical Unit ng natu­rang piitan.

Sabi ni Senior Insp. Jose Radam Jr., officer of the day, isang mistaken identity umano ng pangyayari dahil nang gawin ni Daclan ang panununtok ay nakita ito ng mga mi­yembro ng BNG.

Sa pag-aakala ng BNG na miyembro si Daclan ng SSS ay rumesbak ang mga una sa huli dahilan para mauwi ito sa kaguluhan.

Nagliparan ang mga bote at baso sa magkabilang panig na tumagal ng tatlong minuto hanggang sa mapayapa ng mga nagbabantay na jail officers dito kung saan 10 sa mga preso ang sugatan.

Sa inisyal na ulat, nakilala ang mga sugatan sina Larry Selos, Anthony Ryan Isla, Anthony Valdez, na dinala sa East Avenue Medical Center; Casma Polilio, Alvin Vargas, Jerry Distajo, Christopher Camelo, James Villanueva, Erwin Antong, at Arnold Mendoza na agad namang nalapatan ng lunas sa infirmary ng city jail.

Agad ding nagsagawa ng head count ang pamunuan ng QC jail, saka muling pinabalik ang mga preso sa kani-kanilang mga selda.

Ang QC jail ang may pinaka-congested na piitan sa Metro Manila na aabot na sa 3,000 ang populasyon na dapat sana ay nasa 600 lamang.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigas­yon ng mga awtoridad ka­ugnay sa nasabing insi­dente.

Show comments