MANILA, Philippines – Sumuko na kahapon sa National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCRI) office sa United Nations Avenue, Maynila ang alkalde ng Mataas na Kahoy, Batangas City para umano malinis ang kaniyang pangalan sa mga akusasyon.
Si Mayor Jay Ilagan ay may nakabinbing warrant of arrest na inilabas may isang taon na ang nakalipas mula sa korte ng Ormoc City, Leyte kaugnay sa kasong rape at human trafficking na inihain ng isang 19 -anyos na babae, noong taong 2013.
Mariing itinanggi kahapon ni Ilagan na may nagawa siyang panggagahasa at hindi umano totoo ang akusasyon bagkus ay paninira at may bahid pulitika lamang.
“Sumuko po ako para patunayan sa lahat na ang lahat ng akusasyon laban sa akin ay walang katotoha-nan,” ani Ilagan.
Hindi umano siya nagtago bagkus ay nasa Mataas na Kahoy lamang sa Bata-ngas namamalagi.
Nabatid na noong isang linggo ay nagpadala na ng feelers sa NBI si Ilagan para sa pagsuko.
Marami umanong paninira sa kaniya ang mga kalaban sa pulitika na pawang walang katotohanan.
Bukod sa kalaban sa pulitika, ilang mga sindikato ng droga at mga negosyante ang kaniyang nakabangga na maaring nasa likod ng mga paninira.
Nabatid na noong Disyembre 20, 2015 nang salakayin ang kaniyang farm sa Mataas na Kahoy na nakuhanan ng mga baril, sa bisa ng search warrant.
Aniya, sa tulong ng NBI ay malilinis niya ang kaniyang pangalan.
Nabatid na ibibiyahe si Ilagan patungong Ormoc upang iharap sa kaniyang kaso at hindi pa batid kung doon siya ikukulong.