MANILA, Philippines – Patay ang isang 57-anyos na lalaki nang pagtulungang saksakin ng magkakapatid na kapitbahay na rumesbak umano matapos malaman na binawian ng buhay ang kanilang kapamilya na sinaksak naman ng anak ng biktima sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Henry Navarro, residente ng Yakal St, Tondo, Maynila
Gayunman, agad namang nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isa sa tatlong suspek na kinilalang si Joana Panaligan, 35, ng naturang lugar at kasalukuyang nakapiit sa MPD-Homicide Section. Ipinagharap na ito ng kasong murder sa Manila Prosecutor’s Office.
Pinaghahanap naman ang dalawa pang suspek na kinilalang sina Ronald Pedroza, 40 at Annalot Pedroza, 32, tomboy, na kapwa residente rin ng lugar.
Sa ulat ni PO3 Joseph Kabigting, dakong alas-9:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng Ya-kal at Villaruel Sts., sa Tondo.
Batay umano sa kuha ng closed circuit television (CCTV) nang nakasasakop na barangay papalabas ng bahay ang biktima nang hilahin ng tomboy na suspek at kapatid na lalaki saka ito pinaggugulpi . Sa puntong ito lumapit na umano si Joanna na may hawak na patalim at sinaksak ng ilang ulit sa likod ang biktima habang ang tomboy umano ay nakakuha ng kutsilyo sa karinderyang nasa tabi nila na ipinangsaksak din sa biktima.
Nang dumating ang mga pulis ay inabutan pa ang suspek na si Joanna sa kaniyang bahay, kasama ang 5 maliliit na anak.
Nag-ugat ang nasabing patayan sa insidente noong Enero 18, 2016 kung saan nakaaway umano ni Joanna ang isang Rex Bragaiz, 35 na kapitbahay dahil sa ingay ng inuman sa labas ng bahay.
Pinalo ng tubo si Joanna ni Bragaiz kaya sumaklolo ang mister nito na si Regino Panaligan, 45, na nakita naman ng live-in partner ni Bragaiz na si Hennelyn Navarro kaya hinarang ito at sinaksak.
Naospital man ay naka- uwi ng bahay si Joanna habang si Regino ay may ilang araw na nilapatan ng lunas sa JRMMC subalit pumanaw din kamakalawa ng gabi.
Nang dahil sa pagpanaw ng asawa, hindi naman ito makaganti sa mag-asawang suspek na sina Bragaiz at Navarro na nakapiit na sa MPD-station 2, at nahaharap din sa kasong murder kaugnay sa pagkamatay ni Panaligan.
Sa halip, ang ginantihan ay ang biktimang si Henry na ama ni Hennelyn Navarro.
Nang malaman naman ni Hennelyn ang nangyari kahapon sa ama ay hinimatay ito sa loob ng piitan.