Bangkay ng babae nadiskubre sa Quezon City

MANILA, Philippines – Saksak at sakal sa leeg ang nakikitang dahilan ng pagpatay sa isang may edad nang babae na hinihinalang biktima ng summary execution na natag­puan sa isang lugar sa Quezon City kahapon ng ma­daling-araw.

Sa ulat ni PO2 Jim Bara-yoga ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay isinalarawan sa pagitan ng edad na 50-55, may taas na 4”10, maikli ang buhok, kayumanggi, naka-suot ng itim at puting t-shirt, at skinny jeans.

Ayon kay Barayoga, unang inakala na ang babae ay biktima ng vehicular accident, subalit nang gawin ang pagsisiyasat sa bang-kay nito ay nakita ang tatlong tusok ng patalim sa kanyang dibdib at pagkakabigti sa kanyang leeg.

Sa imbestigasyon, ang biktima ay nadiskubre sa may harap ng Greenspot Company na matatagpuan sa kahabaan ng Payatas Road, Group 13, Brgy. Payatas B, sa lungsod, ganap na alas 3:30 ng madaling-araw.

Bago ito, ayon kay Ramoncito Miranda, barangay tanod, nasa barangay outpost siya at nagbabantay nang makatanggap siya ng text message mula sa isang concerned citizen na nagsabing isa umanong biktima ng vehicular accident ang nakita sa may nasabing lugar.

Agad namang rumisponde sa lugar ang tanod hanggang sa makita niya ang biktima na nakahiga. Matapos nito, ipinagbigay alam ng testigo ang insidente sa otoridad para sa pagsisiyasat, kung saan nabatid na ang biktima ay may tatlong tusok ng patalim sa ga-wing dibdib nito at marka ng pagkakabigti sa leeg.

 

Show comments