MANILA, Philippines – Inaasahang magsisikip ang ilang mga kalsada sa Metro Manila kaugnay na rin ng magarbong homecoming parade na isasagawa ng pamahalaan para bigyang parangal ang pag-uwi ng korona sa bansa ni Miss Universe Pia Wurtzbach ngayong Lunes ng hapon.
Nag-abiso na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa inaasahang lalong pagsisikip sa daloy ng trapiko sa Makati City dahil sa pagpapasara sa northbound lane ng Ayala Avenue kung saan idaraos ang parada.
Mag-uumpisa ang para-da sa Sofitel Hotel dakong alas-2 ng hapon. Alas-3 ng hapon isasara sa daloy ng trapiko ang Ayala Avenue na tradisyunal na ginagamit sa mga parada ng mga celebri-ty sa bansa na nagbigay ng karangalan.
Sakay si Wurtzbach ng inihandang espesyal na float sa parada.
Umapela naman ng pasensya sa mga motorista si MMDA Chairman Emerson Carlos. Nararapat umano na mabigyan ng tamang parangal si Wurtzbach dahil sa pagkopo nito ng korona sa Miss Universe matapos ang higit sa 40 Taon.
Maaari naman umanong magamit ang Gil Puyat Avenue para sa mga motorista na tutungo sa ibang lugar sa Makati at ang tumbok ay ang Roxas Boulevard.
Magtutulungan sa event ang mga tauhan ng MMDA, Makati Public Safety Office, Highway Patrol Group, at ang Araneta Group matapos ang parada sa Makati, tutungo naman sa Cubao area si Wurtzbach para sa isa pang motorcade sakay naman ng isang limousine.