MANILA, Philippines – Nagpalabas ng P200,000 reward money ang pamahalaang lungsod ng Ma-labon para sa ikabibilis ng pagresolba sa pamamaslang kay incumbent Councilor Melvin Mañalac.
Iniimbestigahan naman ng pulisya ang lumalabas na ulat na ang makakaliwang grupong Partisano-Armadong Operatiba ng Partido Marxista-Leninista ng Pilipinas ang nasa likod ng pamamaslang sa konsehal.
Sa iniwang leaflets ng mga salarin, sinasabi ng grupo na paghihiganti ang pamamaslang kay Mañalac dahil sa pagpatay naman nito noong 2010 kay Peter Villasenor na isa umanong miyembro ng New People’s Army(NPA).
Sa rekord, pinagbabaril si Mañalac dakong alas-3:50 ng hapon nitong Sabado sa Brgy. Tinajeros habang patungo sa isang pagtitipon sa Brgy. Tonsuya. Tumatakbo muli si Mañalac bilang konsehal ng ikalawang distrito ng lungsod.
Isa rin sa tinitingnang anggulo ay ang kaugnayan sa politika lalo na at inaasahang mahigpit ang labanan ngayon sa lokal na eleksyon sa Mayo sa lungsod.
Ang biktima ay anak ni dating Malabon City Police Chief of Police at Konsehal Boyong Mañalac. Bahagi din ito ng Pusong Malabon party ni Mayor Antolin Oreta na sumusuporta sa Liberal Party.