MANILA, Philippines – Timbog ang isang nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tangkang pangongotong sa isang negosyanteng Filipino-Chinese sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakapiit ngayon sa Manila Police District-Police-station 11 ang suspek na si Wilfredo Beltran, 35, residente ng no. 34 Sociego St., Tenejeros, Malabon City matapos sampahan ng reklamong Robbery (extortion) at Usurpation of Authority sa Manila Prosecutors Office.
Sa reklamong inilahad kay PO2 Joseph Villafranca ng biktimang si Vicky Ang, 44, may puwesto sa 530 Sto. Cristo St. Binondo, Maynila, bandang ala -1:30 ng hapon nang magtungo sa tindahan ang suspek at hinanapan umano siya ng business permit at iba pang dokumento para sa kanyang mga paninda.
Tinakot umano siya na ipasasara ang kaniyang tindahan at makukulong sa kaso dahil sa kakulangan ng dokumento ng kaniyang negosyo.
Habang nakikipag-usap ang suspek na pwedeng maareglo kung magbibigay ang negosyante ng P10,000 ay pansamantalang iniwan ang suspek at dumulog kay Barangay Kagawad Benito Go, na nakakasakop sa lugar.
Gumitna umano ang kagawad at kinuwestiyon ang suspek hinggil sa pag-iinspeksiyon gayung walang search warrant na dala o kaugnay na dokumento para magtungo sa establisyemento. Nagpakita naman ng identification card ang suspek na siya ay NBI agent.
Nang makitang expired na ang ID na iprinisinta ng suspek ay dinala ito sa presinto.
Nagsagawa naman ng beripikasyon ang mga pulis at nadiskubre na peke ang ID at walang koneksiyon sa NBI ang suspek.