MANILA, Philippines - “Siguraduhin ninyong nabakunahan ang inyong mga anak.”
Ito ang panawagan ng Pa-mahalaang Lungsod ng Taguig sa mga magulang kasabay nang pagtitiyak na mayroong sapat na suplay ng bakuna sa mga health center ng lungsod.
“Lahat tayo ay kailangan ng proteksyon laban sa iba’t-ibang sakit lalo na po ang ating mga kabataan,” sabi ni Dr. Isaias Ramos, head ng Taguig City Health Office.
Sang-ayon sa mga health official ang mga sanggol na “zero to 11 months” ang gulang ay mas madaling kapitan ng mga karamdaman.
Ayon kay Dr. Ramos, ang bakuna ay nakatutulong para makaiwas sa karamdaman at mapababa ang mortality rate ng mga sanggol.
Sa pamamagitan ng bakuna, ang mga bata ay maililigtas mula sa iba’t ibang infection at mapo-proteksiyunan laban sa karamdaman tulad ng polio, tuberculosis, tetanus, hepatitis, tigdas at iba pa.
Upang maprotektahan ang mga bata ay aktibong pakikipag-ugnayan ang ginagawa ng pamahalaang lokal ng Taguig sa mga magulang para matiyak na mababakunahan ang kanilang mga anak.
Ipinaliwanag ni Daisy Bulacan, supervisor ng Taguig City Health Office, na kapag ang magulang at sanggol ay pumalya sa pagpunta sa health center para sa naka-iskedyul na bakuna, ay mismong health personnel ng lungsod ang magtutungo sa bahay ng mga ito para magbakuna.
Lahat ng health center ng Taguig ay may supply na mga bakuna tulad ng Bacillus Calmette-Guerin (BCG), Hepatitis B, Penta Hib, OPV, IPV, at MMR (Measles, Mumps, Rubella) sa ilalim ng Expanded Immunization Program.
Sa panig ni Mayor Lani Cayetano, binigyan-diin niya na isa sa mga pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang pangangalaga sa kalusugan at pagkakaroon ng masiglang pangangatawan ng bawat Taguigeno.
“Health and wellness are high on our priorities. Ang ating pong pamahalaang lungsod ay tinitiyak na nabibigyan ng sapat na serbisyong medikal ang ating mga mamamayan.” dagdag pa ni Mayor Lani.