MANILA, Philippines - Muling napatunayan na malaking tulong ang social media sa paglutas ng kaso matapos na sumuko ang isang murder suspect matapos na makita sa Facebook ang kanyang mukha bilang wanted.
Iniharap ni Sr. Insp. Rosalino Ibay Jr., hepe ng Manila Police District-District Police Intelligence Opera-tion Unit (DPIOU) kay Manila Mayor Joseph Estrada ang suspek na si Jeric Baylon, alias “Jeric Ulo”.
Si Baylon ang itinuro at kinilala ng mga saksi na sumaksak at nakapatay sa biktimang si Raymond Lopez, 29, ng 334-B Abad Santos corner Morga St. sa Tondo, Maynila.
Nangyari ang insidente noong Enero 17 dakong alas 10:33 ng gabi sa Moriones St., Tondo.
Nabatid na nag-ugat ang resbak ng suspek sa biktima nang pagsabihan umano noong Disyembre 25 ng huli ang una na umalis at huwag manggulo. Dito ay pinagbantaan ng suspek ang biktima hanggang sa isagawa ang krimen noong Enero 17 Kapistahan ng Sto. Niño.
Nag-aabang ng taxi si Lopez upang ihatid ang kanyang kasintahan nang biglang saksakin sa tagiliran ni Baylon si Lopez hanggang sa lumuwa ang bituka nito at saka mabilis na tumakas.
Dahil sa kilala, mabilis na pinost sa FB ang mukha ng suspek hanggang sa ipinakalat din ito ng kapulisan.
Ayon kay Ibay, bunsod naman ng takot ng ina ng suspek, minabuti nitong isuko ang anak. Nalutas ang kaso sa loob lamang ng 48 oras.
Paliwanag ni Estrada na nakatakda sanang magtungo sa Amerika ang biktima upang magtrabaho. Aniya, kinabukasan ng pamilya ng biktima ang kinuha ng suspek.