MANILA, Philippines – Paiimbestigahan nina Manila Action and Special Assignment (MASA) chief, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr. at City Security Force (CSF) chief, Capt. Jaime De Pedro ang ilang CSF na nakatalaga sa ospital na umano’y naki-alam sa isang bangkay ng babae na hindi pa naisasailalim sa autopsy.
Ayon kay Irinco, hindi umano dapat na makialam ang sinumang CSF sa usapin ng pagkuha ng bangkay o pagbibigay ng bangkay sa punerarya o kamag-anak ng walang pahintulot ng awtoridad.
Giit ni Irinco na seguridad lamang ng lugar ang dapat na pinagtutuunan ng pansin ng mga CSF. Batay sa report kabilang sa mga iimbestigahan ay sina Alexis Aragon, Aquilino Catugas, Joel Buendia at Orlando Limpin. Ang mga ito ay pawang nakatalaga sa Mother and Child Hospital.
Lumilitaw na palaisipan sa Manila Police District-Homicide Section ang pagkamatay ni Robielyn Zozobrado, 19, ng Sindangan Zamboanga Del Norte na stay-in housemaid sa no 1701, 18th Floor China Plaza Condominium, Tambacan St. Sta. Cruz, Manila noong Enero 15, dakong alas-10:35 ng gabi.
Ayon kay MPD-Homicide chief, Sr. Insp. Rommel Anicete, bagama’t may teorya na sila sa pagkamatay ni Zozobrado kailangan pa rin ang konkretong resulta kung saan manggagaling ang ebidensiya sa mismong bangkay.
Paliwanag ni Anicete kailangan na sumailalim sa autopsy ang bangkay dahil ito ay medico legal case. Ang medico legal case ay kinabibilangan ng gun shoo-ting, stabbing at mysterious circumstances.
Nabatid na nagtungo sina SPO3 Milbert Balinggan at SPO2 Charles John Dural sa Mother and Child Hospital kung saan kinakitaan ng mga sugat, pasa, bali sa mga binti at hita ang biktima. Sira din ang pantalon nito.
Matapos sa ospital ay nagtungo naman sa nasabing condominium sina Balinggan at Dural upang magsagawa ng ocular inspection na sinundan din ni Anicete kung kaya’t palaisipan kung paano namatay ang biktima.
Muling bumalik sa nasa-bing ospital ang mga imbestigador at napag-alaman na ibinigay ang bangkay sa Henry Funeral ng walang pahintulot ng pulis. Dito na kinuwestiyon ni Anicete ang naging desisyon ng CSF hanggang sa malaman nito (Anicete) na binalik ang bangkay sa ospital.
Sinabi ni Anicete na mahirap nang makuhanan ng sampol ang biktima dahil contaminated na ang bangkay at naiba na rin ang puwesto nito sa ospital.
Dagdag pa ni Anicete nais nilang malaman kung nanlaban ang biktima at kung pinagsamantalahan ito base sa makukuhang ebidensiya sa kanyang katawan.