MANILA, Philippines – Sa ika-13 pagkakataon nagsagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang raiding team ng Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Pri-sons (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon kung saan muling nakasamsam ng mga kontrabando at lalu na natuklasan ang swimming pool sa medium security compound.
Ayon kay BuCor Director Retired General Rainer Cruz III, alas-5:30 ng umaga nang salakayin ng kanyang mga tauhan ang mga kubol ng mga marshal na preso, na matatagpuan sa Inmate Custodial Aid (ICA) at Reception and Diagnostic Center sa Medium Security Compound na kung saan isang katerbang kontrabando na naman ang nasamsam mula dito.
Nakakumpiska rin ng mga plastic sachet na nag-lalaman ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Bukod pa ang iba’t ibang uri ng appliances, tulad ng mga flat television, rice cooker, portable air-con, DVD, laptop, tangke ng LPG at mga pamalo.
Isa namang inmate na nakakulong sa maximum security compound, na miyembro ng Genuine Ilocano ang nagsurender ng isang kalibre .45 at .9mm na baril.
Isa pa ring inmate na nakilalang si Jerry Pepino, kung saan natagpuan sa kubol nito ang isang swimming pool.
Sinabi ni Cruz, na nasa 5,989 na inmates ang nakakulong sa medium security compound kabilang dito ang mga mga “high profile inmates”, tulad ni Jason Ivler; Dennis Roldan at Alvin Tan, na may drug factory umano sa Cebu.
Sinabi ni Cruz, na gigibain nila ang mga magagarbong kubol ng mga itinuturing na “high profile inmates” para hindi na aniya mapakinabangan pa ang mga ito.