Tanod sinita, stude sugatan sa tarak
MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondisyon ang isang estudyante nang saksakin ng isang barangay tanod makaraang sitahin ng una ang huli kung bakit ito umiihi sa pader, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Ginagamot sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si John Paul Christian Eugenio, 18, binata, sanhi ng tinamong tatlong saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Nilalapatan din ng lunas sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang suspek na si Jayson Balarosa, 24, tanod ng Barangay-27, Zone-4 ng nabanggit na lungsod, matapos mabagok ang ulo nito dahil sa labis na kalasingan.
Base sa report na natanggap ni Senior Supt. Joel B. Doria, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-11:46 ng gabi sa Interior FB Harrison St. Barangay-27 Zone-4 ng nabanggit na siyudad.
Lasing na lasing umano ang suspect na tanod at habang umiihi ito sa pader ay nakita ito nang paparating na biktima na nakasakay naman sa motorsiklo.
Sinita umano ng biktima ang suspect na nairita ang suspek na sa pakiwari nito ay nakakalalaki ang biktima.
Dito na kinompornta ng suspek kung bakit siya sinisita ng biktima at upang hindi na humaba ang awayan ng dalawa, umuwi ang suspek.
Subalit, rumesbak pala ito at pagbalik nito ay may dala na itong patalim at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang biktima.
Kaagad na isinugod ang duguang biktima ng rescue team ng Pasay City at dahil naman sa labis na kalasingan ay natumba ang suspek at nabagok ang ulo nito na mabilis ding itong isinugod sa PCGH.
- Latest