MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ni senatorial candidate at Leyte Rep. Martin Romualdez na ang pagpapatuloy ng pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa kongreso ay naaayon sa batas.
Ayon kay Romualdez, isang abogado at kasalukuyang Pangulo ng Philippine Constitution (Philconsa), hindi pinag-aralan ng Malacañang ang pagbibigay diin sa pagsasabatas kung saan ay sa halip na magkaroon ng katahimikan ay magdudulot pa ito ng kaguluhan.
“Peace should always be one of our top priorities. Let us continue the deliberations of BBL here in Congress to arrive at a constitutionally-compliant version that would ensure peace and stability in Mindanao,” ani Romualdez.
Pinasaringan din ni Romualdez ang Pangulong Aquino na hayaan na ang mga alipores nito sa kongreso ang mag-deliberate ng BBL.
Binanggit ni Romualdez na ang lahat naman ay sumusuporta sa katahimikan subalit kailangan na masigurado na hindi pilit at kumplikado ang pagsasabatas ng BBL na posibleng mauwi pa sa lalong kaguluhan.
Kinakailangan na hindi maaprubahan ang BBL hanggat walang malinaw na pag-aaral nang sa gayon ay masiguro na ito ay constitutional. Binanggit ni Romualdez na hustisya para sa napaslang na 44 miyembro ng Special Action Force at para na rin sa mga naiwang mahal sa buhay.