Quezon bridge bahay ng mga solvent boys, snatcher

Pinalitan ng mga tauhan ng Manila City Electrical Division ang ilaw sa mga poste na umano’y pinagsisira ng mga solvent boys at snatcher na nambibiktima ng mga commuters sa Quezon bridge.

MANILA, Philippines – Umapela ang mga commuters sa Manila Police Dsitrict (MPD) na paigtingin ang kanilang mga pagpapatrolya partikular sa Quezon bridge  sa Quiapo, Maynila kung saan umaatake ang mga solvents boys at snatcher.

Ayon  sa mga commuters, sinasabayan ng mga solvent boys at snatcher ang  daloy ng mga sasakyan at naghahanap ng kanilang mga mabibiktima kabilang na ang panghahablot ng cellphone at hikaw.

Madalas umanong binabasag ng mga ito ang ilaw na ikinakabit ng City Electrical Division sa pangunguna ni Engr. Jojo Alconera upang hindi makilala ng kanilang mga bibiktimahin.

Sinabi ni Alconera na halos linggo-linggo ay nagpapalit sila ng mga ilaw sa lugar kung basag dahil kailangan ng mga commuters o  pedestrian ang maliwanag na daanan.

Ginagawa din umanong bahay o taguan ng mga solvent boys at snatcher ang itaas ng tulay dahil hindi sila agad masusundan ng kanilang mga binibiktima.

Panawagan naman ng mga commuters partikular na ang mga nabiktima sa lugar na mas kailangan ang police visibility sa lugar lalo na kung  “rush hour”  upang makatiyak naman ang mga commuters na hindi sila mabibiktima ng mga kawatan.

Matatandaan na nabiktima sa lugar ang isang  estudyante ng Unibersidad de Manila matapos na habulin ang isang lalaki na umagaw ng  kanyang  cellphone. Sinaksak at napatay ng suspek ang biktima.

Show comments