MANILA, Philippines – Isang hindi nakikilalang bangkay ng lalaki na may tama ng bala sa mukha ang natagpuan sa isang lugar sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ng Quezon City Police District- Criminal Investigation Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima na nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’2” kayumanggi, balingkinitan, nakasuot ng kulay pulang jersey sando, kulay puting jersey short at nakasuot ng bull cap.
Nadiskubre ang bangkay ng biktima sa kahabaan ng Bole St., Fairmont Subd., Brgy. North Fairview, sa lungsod ganap na alas -3:10 ng madaling araw.
Sabi ng mga barangay tanod na sina David Capo at Casiano Gohol ng Brgy. North Fairview, kasalukuyan silang nagpapatrulya nang makita ang biktima na nakahandusay sa lugar at naliligo sa sariling dugo.
Agad na ipinagbigay alam ng dalawa ang insidente sa otoridad para sa imbestigasyon.
Naniniwala ang pulisya na posibleng sa lugar lamang itinapon ang bangkay para iligaw ang imbestigasyon.