MANILA, Philippines – Mistulang magpapatuloy pa o walang katapusan ang magiging kalbaryo ng publiko, dahil mas matinding trapik ang mararanasan ngayong taon sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Ito’y dahil na rin sa nakalinyang mga malalaking infrastructure projects ngayong taon.
Nabatid kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos, ang nakalinyang infra projects ay bahagi pa rin ng pangmatagalang solusyon ng pamahalaan sa problema ng trapiko sa Metro Manila.
Kabilang sa mga proyektong ito ay Lawton-Sta. Monica Bridge sa Pasig at Taguig; C5 road hanggang Julia Vargas sa Pasig City; Katipunan hanggang C5 Road at Miriam hanggang Gate 3 ng Ateneo De Manila sa Quezon City.
Nabatid pa kay Carlos, ito’y malaking sakripisyo para sa mga motorista oras na simulan ang mga proyektong ito ngunit kapalit naman nito ay kaginhawahan.