MANILA, Philippines – Muling umiskor ang mga tauhan ng PNP makaraang dalawa pang Chinese na pinaniniwalaang big time drug trafficker ang nasakote sa panibagong anti-illegal drugs buy bust operation na isinagawa sa parking lot ng isang mini hotel sa Brgy. Doña Imelda, Quezon City kahapon.
Kinilala ang mga nasakoteng suspect na sina Geng Qing Chuan, 35 at Xiangfan Yao, 28, kapwa residente ng Ongpin, Binondo sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay NCRPO Chief P/Director Joel Pagdilao alas-9 ng umaga ng magsagawa ng buy bust operation ang NCRPO Regional Anti-Illegal Drugs-Special Operation Group(NCRPO-RAID-SOTG) sa parking lot ng isang hotel na mata-tagpuan sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard malapit sa Araneta Avenue, Brgy. Doña Imelda, Quezon City.
Dito natimbog ang mga suspect na nakumpiskahan ng 30 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P 150 M.
Nasamsam rin sa operasyon ang kulay abong Toyota Innova (TWQ 280) na gamit ng mga suspect sa kanilang ilegal na operasyon.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan kung konektado ang mga suspek sa dalawa ring nasakoteng Filipino-Chinese na nakumpiskahan naman ng 37 kilo ng shabu sa operasyon sa Valenzuela City kamakalawa.
Samantala sa Taguig City, dalawa pa ring Chinese nationals ang natimbog at nasamsaman ng may kalahating kilo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) kahapon ng umaga.
Kinilala ni Police Chief Supt. Henry Ranola Jr., district director ng SPD ang mga suspek na sina Chin Jinchi at Quo Qiang, kapwa nasa hustong gulang.
Ayon kay Ranola, nakatanggap sila ng “tip” hinggil sa umano’y illegal na gawain ng mga suspek, dahilan upang maglunsad ang kanyang mga tauhan ng isang buy-bust operation laban sa mga ito. (Dagdag na report ni Lordeth Bonilla)