MANILA, Philippines – Patay ang isang 20- anyos na binata nang saksakin ng kaniyang nakababatang kapatid sa loob ng kanilang bahay nang dahil sa pag-aagawan sa pagiging pahinante ng kanilang ama na trailer truck driver sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC),ang biktimang si John Michael Valencia, ng BS 45,C-2 Road, Capulong,Tondo, Maynila subalit binawian din ng buhay dahil sa saksak na tinamo sa kaliwang dibdib.
Tumakas naman ang utol nitong suspek na si Jojo Valencia, 17, kapatid ng biktima.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente alas- 3:40 ng madaling araw sa loob ng bahay ng pamilya Valencia.
Sa naging salaysay ng kanilang ate na si Jennica Valencia, 24, narinig niya na nagtatalo ang dalawa hinggil sa kung sino ang sasama sa kanilang ama sa biyahe ng truck.
Nang matindi na ang pag-aaway ay pinuntahan niya ang mga ito upang awatin subalit huli na dahil nasaksak na umano ng suspek ang kaniyang kuya na agad na isinugod na lamang sa pagamutan.
Napag-alaman na iginigiit umano ng nasawi na siya naman ang sasama sa ama sa pagbiyahe dahil madalas umanong ang suspek ang kasama na ikinagalit ng huli at nauwi sa kanilang pag-aaway. (With trainees Andrea Abello at Apple Cagata)