MANILA, Philippines – Isa sa tatlong nagsabwatang killer ni Brgy. Chairman Oliver Franco ng Sta. Cruz, Maynila ang nadakip ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang operasyon, kamakalawa ng hapon.
Nakapiit na sa MPD-Homicide Section ang suspek na kinilalang si Rogelio Villamor alyas Matar, 39, residente ng Lico St., Tondo na sinasabing miyembro ng ‘Burgos gang’.
Sa ulat, dakong ala-1:00 ng hapon ng Enero 7, nang tunguhin ng mga tauhan ng Homicide Section sa pangunguna ng kanilang hepe na si Senior Insp. Rommel Anicete ang erya kung saan nakatira ang suspek dala ang warrant of arrest na inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 11 Hon. Judge Cicero Jurado Jr. kaugnay sa kasong murder.
Si Villamor ay isa lamang sa itinuturong suspek sa pagpaslang kay Chairman Franco, ng Brgy. 349, Zone 53, residente ng no. 1772 Antipolo St., Sta. Cruz, Maynila noong Marso 6, 2015 habang ito’y nagpapakain ng alagang ibon at manok sa kaniyang itinayong Farmville sa gilid ng riles ng Philippine National Railways (PNR) Blumentritt station.
Sinabi ni PO3 Michael Maraggun, may hawak ng kaso, na mismong ang pamilya ng biktima ang tumawag sa kanilang tanggapan at nagbigay ng impormasyon hinggil sa paglutang ng suspek sa lugar.
Nabatid sa hiwalay na impormasyon na posibleng may bahid pulitika ang kaso dahil ikinanta na diumano ang pagkakasangkot ng dalawang kapwa barangay chairman sa Sta. Cruz, Maynila sa krimen o nasa likod ng pagpapapatay.
Bukod umano kay Chairman Franco, may dalawa pang punong barangay din ang kasunod sanang itutumba ng ‘Burgos group’ sa halagang P30,000 kada ulo.