MANILA, Philippines – Asahan ang masikip na daloy ng trapiko ngayong weekend, dahil sa muling pagpapatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang road re-blocking sa ilang lugar ng Kalakhang Maynila.
Abiso ito kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) base sa rekomendasyon ni DPWH-National Capital Region Director Melvin Navarro.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, narito ang mga lugar na apektado ng road re-blocking.
Sa Southbound lane, apektado ang kahabaan ng EDSA, pagitan ng Mother Ignacia at Eugenio Lopez Sts., unang lane mula sa sidewalk.
Ang Nortbound lane naman ay apektado ang kahabaan ng C-5 Road, mula sa Shell Gas Station hanggang SM Warehouse Gate 2, outermost lane.
Gayundin ang kahabaan ng EDSA, harapan ng DPWH-QCSED, 2nd lane mula sidewalk.
Alas-10:00 kagabi ng Biyernes nang sinimulan ang naturang proyekto at pagsapit ng alas-5:00 ng umaga ng Lunes, Enero 11 ay maaari nang madaanan ang naturang mga lugar dahil sa oras na ito matatapos ang road re-blocking.