MANILA, Philippines – Tatlong miyembro ng ‘Sarimos Drug Group’ at isang alalay nila na nag-ooperate sa Cavite City ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na isagawa ang isang buy-bust operation laban sa kanila sa nasabing lungsod, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr. ang mga suspect na sina Louiver Sarimos, 35; Joel Sarimos, 34; at Froilan Cajuday, 40, mga orihinal na miyembro ng grupo at residente ng Paliparan, Dasmariñas City, Cavite. Habang ang isa pang suspect ay kinilalang si Gary Gatil, 41, ng Maguyam, Silang, Cavite.
Ayon kay Cacdac, ang operasyon ay ginawa ng mga tropa ng PDEA Regional Office 4A sa may bisinidad ng Tierra Bonita, Brgy. Paliparan 1, Dasmariñas City na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspect, alas-4 ng hapon. Sinasabing nagkunwaring bibili ng droga ang mga operatiba sa mga suspect na naging ugat ng kanilang pagkakadakip.
Nasamsam sa mga suspect ang 100 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P250,000. Ang mga suspect ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, or the Comprehensive Dangerous Act of 2002, habang nakapiit sa PDEA RO4A.