MANILA, Philippines – Dala marahil ng init ng ulo matapos na muling magka-aberya ang Metro Rail Transit (MRT) at itigil ang operasyon nito, kahapon ng umaga, dalawang lalaking mananakay nito ang nagsuntukan matapos na magkagirian sa pagsakay ng pampasaherong bus sa lungsod Quezon.
Ayon sa ulat, nagmistulang boxing ring na pinapanood ng maraming dismayadong commuters ng MRT ang pagsusuntukan ng dalawang lalaki bunga ng palitan ng mga ito ng mga sipa at suntok sa gitna ng kalye ng North Avenue, Edsa Quezon City.
Gayunman, agad namang naawat ng mga nagmamandong miyembro ng Metro Manila Development Authority (MMDA) enforcer ang nasabing mga lalaki saka sila kapwa pinayapa sumakay ng pampasaherong bus, patungo sa kanilang destinasyon.
Sinasabing nag-ugat ang suntukan ng dalawang lalaki nang magkagitgitan ang mga ito sa pagsakay sa isang pampasaherong bus sa nasabing lugar, matapos na itigil ang operasyon ng MRT-3.
Ang nasabing mga lalaki ay kabilang sa daang commuters ng MRT-3 na nadismaya sa nasabing pagtigil ng operasyon nito at nagpasyang sumakay na lang ng pampasaherong bus para makarating sa kanilang pupuntahan.
Dahil sa dami ng mga taong gustong sumakay ng bus, nagkasagian ang dalawang lalaki nang mag-unahan sa pagsakay ang mga ito sa isang bus hanggang sa magkasagutan at mauwi ito sa hamunan ng suntukan.
Base sa ulat, muling tumigil ang operasyon ng MRT-3 matapos na magka-aberya ito dahil sa umano’y technical problems.
Dahil dito, napilitang sumakay na lang ng bus ang daang pasahero nito sanhi para maipon ang mga ito sa Edsa sa paghihintay ng masasakyang bus. Ganap na alas-7:10 ng umaga nang muling bumalik sa operasyon ang nasabing tren.