MANILA, Philippines – “Irespeto o igalang natin ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.” Ito ang naging panawagan kahapon ni 5th District Congressman Amado S. Bagatsing sa publiko partikular na sa mga masasamang-loob na posibleng manamantala at maglikha ng kaguluhan sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa darating na Sabado.
Ayon sa Kongresista, maituturing na sagrado ang tradisyong ito na kung saan ay dito ipinapakita ng milyun milyong mga Pilipino, partikular na ang malaking bilang ng mga residente ng lungsod ng Maynila ang kanilang malalim at matibay na debosyon o pananampalataya sa Poong Nazareno.
Ani Bagatsing na isa na ring opisyal na ‘mamamasan’ matapos na ampunin noong nakalipas na taon ng iba’t ibang grupo gaya ng FRANSVARON, isa sa pinakamalaking grupo ng ‘mamamasan’ sa Maynila na pinamumunuan nina Manny Abuan at Rudy Lontuc, madalas aniya sa mga police reports na may ilang masasamang loob pa rin ang nananamantala upang makagawa ng gulo o ‘di kaya naman ay makapagnakaw sa kanilang kapwa, habang ang iba namang mga sumasama rito ay napapabalitang mga lasing o naka-inom habang isinasagawa ang prusisyon ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand papunta sa simbahan ng Quiapo.
“Isapuso at isabuhay natin ang tunay na kahulugan ng debosyon sa Poong Nazareno kung saan nagpapakita ito ng pananampalataya, panalangin, sakripisyo, pagbabalik loob, at pagbibigay sa sarili at sa ating kapwa,” paliwanag ni Bagatsing.
Samantala, hiniling din niya sa mga debotong Manilenyo na isama sa kanilang mga personal na panalangin ang kasalukuyang kalagayan ng Lungsod ng Maynila, higit lalo na umano ang mamamayan nito na kung saan ay mayorya sa mga pamilyang Manilenyo ay patuloy na dumaranas ng kahirapan sa buhay.