600 street sweeper sasabak sa Traslacion
MANILA, Philippines – Bumuo kahapon ang pamahalaan ng Maynila ng malaking puwersa ng mga street sweepers na maglilinis at magliligpit sa mga lugar kung saan daraan ang prusisyon at Traslacion ng Itim na Poong Nazareno.
Ayon kay Engr. Rafael Borromeo, hepe ng Task Force Manila Clean Up, magpapakalat sila ng 600 taga-linis sa iba’t ibang lugar upang siguruhin ang kalinisan ng kahabaan ng pitong kilometrong ruta ng Traslacion bago at matapos ang prusisyon.
Sinabi ni Borromeo, ang 100 dito ay maglilinis ng kalsada bago ang pagsisimula ng prusisyon upang siguruhing walang mga bubog, barbeque sticks, bato at iba pang basura na maaa-ring makasugat sa mga naka-yapak na debotong maglalakad kasama ng andas.
Ang 100 sweepers naman ang naka-toka sa paglilinis ng Quirino Grandstand na siyang pagdarausan ng “pahalik,” overnight vigil at misa.
Ang 100 pang tagalinis ang naka-puwesto sa Plaza Miranda, samantalang ang 300 ang siyang maglilinis ng dinaanang kalsada ng Traslacion.
Maglalagay din anya ng 300 portalets ang pamahalaan ng Maynila sa iba’t ibang lugar ng Traslacion.
- Latest