Taxi driver na nag-viral sa social media, tinuluyan ng sinuntok na pasahero
MANILA, Philippines – Babala sa mga taxi driver na abusado sa kanilang mga pasahero, dahil tuluyan nang sinampahan ng kasong threat at slight physical injury ang driver na si Roger Catipay na nag-viral sa social media matapos makuhanan ng video habang hinaharas ang kanyang pasaherong babae.
Ayon kay PO3 Jaime de Jesus ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang kaso ay inireko-menda ni assistant city prosecutor’s Conrado Rosario na isampa sa korte laban kay Catipay kasunod nang reklamo ng kanyang pasaherong si Joanna Garcia.
Sabi ni De Jesus, kasong threat ang inirekomenda ng piskalya dahil sa nangyaring komprontasyon, malinaw na nagkaroon ng pagbabanta sa buhay ni Garcia, base na rin sa mga katagang bi-nitiwan ni Catipay habang nagtatalo sa loob ng taxi.
Habang ang kasong slight physical injury naman ay bunga na rin ng umano’y pananakit na ginawa ng akusado sa biktima sa kainitan ng komprontasyon.
Nag-ugat ang naturang isyu nang mag-viral sa social media ang ipinost ni Garcia na video ng panghaharas sa kanya ni Catipay.
Sa video ay makikitang matapang na pinagsasalitaan ng masama ni Catipay si Garcia dahil sa isyu ng pasahe kung saan kulang umano ang ibinigay ng huli base sa kanilang napag-usapan.
Sinasabing iginigiit ni Catipay kay Garcia na P350 ang nakunsumo nitong pasahe mula Quezon City hanggang POEA o Philippine Overseas Employement Agency.
Pero napag-usapan na umano ng dalawa na imetro ang biyahe.
Nang ipost ni Garcia ang video ay naging viral ito hanggang sa makarating ito sa kaalaman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ipatawag ang operator ng taxi ni Catipay na si Ariel Gamboa ng AFG taxi kung saan kusa namang isinuko nito ang nasabing driver.
Sa tanggapan ng LTFRB nagharap sina Garcia at Catipay, at humihingi ng paumanhin ang huli, pero nagmatigas ang una at nais anya niyang turuan ito ng leksyon.
- Latest