MANILA, Philippines – Isang ginang ang nasawi, habang isa pa ang sugatan na tinamaan ng ligaw na bala makaraang pagbabarilin ang una ng isang hindi nakikilalang gunman habang ang mga ito ay naglalaro ng bingo sa lungsod ng Quezon, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Marianita Barbo, 46, ng Brgy. Batasan Hills sa lungsod, habang ang sugatan naman si Darwin Vera, 29, driver at residente din sa naturang lugar.
Ang suspect na nakasuot ng bull cap, kulay puting sando, maong pants at sinelas ay agad namang tumakas makaraan ang krimen, ayon kay PO3 Virgilio Mendoza, may hawak ng kaso.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Executive Road kanto ng Senatorial Road ng naturang barangay ganap na alas-11:45 ng gabi.
Sabi ni Jayson Fajardo, bago ito, naglalaro umano sila ng mga biktima sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang salarin na armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril at saka walang habas na pinagbabaril nang malapitan si Barbo .
Ilang dipa lamang ang layo kay Barbo ay tinamaan na-man ng bala si Vera sa kanang paa, habang ang suspect ay mabilis na tumakas.
Kapwa agad na isinugod sa Amang Rodriguez hospital ang mga biktima pero idineklara namang patay ganap na alas 12:55 ng madaling araw dahil sa tinamo nitong mga tama ng bala sa katawan si Barbo. Si Vera naman ay kasalukuyang nakaratay at nagpapagamot sa nasabing ospital.
Samantala, base sa salaysay ni Reynaldo Garcia, live in partner ng biktima, inamin nito na ang pagtutulak ng iligal na droga ng huli, at bago pa anya ang insidente ay nakatanggap na umano ito ng babala sa pamamagitan ng text message na tumigil na sa kanyang masamang gawain kung hindi ay masamang mangyayari sa kanya, pero binalewala lang umano ito ng biktima kung kaya nangyari ang insidente.
Ang nasabing pahayag ni Garcia ang bagay na sinisiyasat ngayon ng CIDU.