MANILA, Philippines – Limanglibong pulis ang ipapakalat ng National Ca-pital Region Police Office (NCRPO) para sa pista ng Itim na Nazareno sa dara-ting na Sabado (Enero 9) ng taong ito.
Ayon kay NCRPO Chief P/Director Joel Pagdilao, ito’y upang matiyak ang seguridad ng mga deboto sa nasabing okasyon.
Ayon kay Pagdilao, nasa 4,000 ang idedeploy ng Manila Police District (MPD) at bukod dito ay may karagdagan pang mga Special Weapons and Tactics (SWAT) team, Intelligence operatives o mga detectives, medical team at mga miyembro ng Explosive Ordnance Division kaya aabot sa 5,000 ang kabuuang bilang ng ipakakalat na mga pulis.
Sinabi ni Pagdilao mula sa prusisyon sa Quirino grandstand sa lungsod ng Maynila kung saan magsisimula ang traslacion pabalik sa Basilica Minore ng Quiapo Church ay bantay sarado ito sa kapulisan.
Binigyang diin ni Pagdilao na dalawang araw bago ang kapistahan ng Itim na Nazareno ay kailangang malinis na ang anumang sagabal tulad ng mga sasakyang nakaparada at stall sa daraanan ng prusisyon.
Samantalang iginiit pa ng opisyal na patuloy ang monitoring ng intelligence community sa ‘threat assessment ‘ o banta sa seguridad lalo’t inaasahan na daragsain ng milyong katao ang prusisyon ng Black Nazarene.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng inspection ang NCRPO sa ruta ng traslacion bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno kahapon.