Kelot utas sa resbak ng dating kaaway

MANILA, Philippines – Utas ang isang 32-anyos na lalaki nang barilin ng dati nitong nakaaway sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng hapon.

Binawian ng buhay ha­bang nilalapatan ng lunas sa Tondo General Hospital ang biktimang si Jojo De Vera, miyembro ng Sputnik gang at residente ng Unit 519 Buil-ding 20, Permanent Hou-sing, Tondo sanhi ng tama ng kalibre 45 sa katawan.

Nagtatago na ang sus-pek na si Roy Sanchez, alyas Totong Dela Cruz, 60, pintor at residente ng Unit 515 Building 24, Permanent Housing, Tondo na tumakas matapos ang pamamaril.

Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:00 ng hapon nang maganap ang insi-dente sa harapan ng Kalayaan hall ng Brgy.129,  Zone 11, District 1 sa Rodriguez st., Balut, Tondo.

Papauwi umano ang biktima sa nasabing lugar mula sa pakikipaglamay sa patay sa kapitbahay nang lapitan siya ng suspek at walang sabi-sabing barilin ng tatlong beses.

Matapos ang pamamaril ay umeskapo na ang suspek habang ang biktima ay pinagtulungang dalhin sa pagamutan.

Nabatid na may 3 taon na ang nakalipas nang makaaway ng biktima ang suspek na sinaksak nito at halos ikasawi umano ng huli.

Kahit naghilom na ang sugat ay pinaniniwalaang ang galit ng suspek ay hindi nabura at naghanap lamang ng tiyempo.

Show comments