MANILA, Philippines – Nasa P100,000 pabuya ang nakatakdang ibigay ni Makati City Mayor Romulo ‘Kid’ Peña sa sinumang makapagtuturo sa pinaghahanap na barangay tanod na si Raymundo Liza na responsable sa pamamaril at pagpatay sa 7-anyos na batang lalaki at sa isang binata na naganap sa boun-dary ng Makati at Taguig City noong pagsalubong ng Bagong Taon.
Nabatid na si Liza ang bumaril at nakapatay sa pitong taong gulang na sina Mark Angelo ‘‘Macmac’’ Diego at kay John Edward Pascual.
Ayon sa alkalde, pag-uusapan pa lamang ng pamahalaan lungsod ang pinal na halaga ng pabuya, ngunit sa ngayon aniya ay P100,000 ang kanyang iniaalok.
May mga impormasyon aniya silang natanggap na nasa Makati pa ang suspek, gayunman may mga nagsasabing nakalayo na umano ito.
Inaalam na rin anya nila kung aktibo pa ito sa barangay o suspendido o nadismis na at iniimbestigahan na rin kung may lisensiya ang kalibre .45 baril na ginamit nito sa pamamaril.
Tiniyak ni Peña, bagama’t ang Taguig ang may hurisdiksyon sa kaso, nakahanda silang tumulong sa ikadarakip ng suspek.
Samantala, nakatakdang sampahan ng Taguig City Police ng kasong murder si Liza.
Nabatid kay Senior Superintendent Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig City Police, hinihintay na lamang nila ang death certificate ng mga nasawi upang maisampa na ang reklamo laban kay Liza.
Sa ngayon ay tatlong lugar na ang sentro ng manhunt.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang Taguig City Police sa South Cotabato-PNP dahil taga-Polomolok ang suspek.