MANILA, Philippines – Nagkaroon ng laceration o hiwa sa kaliwang bahagi ng ilong ang isang binata na sinunganga ng baril ng isang diumano’y pulis, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa reklamong inihain sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (GAIS), kinilala ng biktimang si John Christian Bautista, 21, ng no.1381-B Quiricada St., Sta. Cruz, Maynila, ang pulis na nagngangalang Ken Mamerto, hindi pa tukoy kung saan nakatalaga.
Kuwento niya kay SPO2 James Poso ng MPD-GAIS, kasama niya ang kaibigan na si James Jerome Bacani nang makasalubong ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklo. Nilapitan umano sila at siya ay binatukan sabay sabi na bakit siya pinagtitripan.
Hindi umano pumalag ang dalawa at naglakad pa rin subalit sinundan pa sila at itinutok sa ilong ang baril ng madiin kaya umano na-sugatan ang biktima.
Umalis din kaagad ang suspek habang ang biktima naman ay humingi ng saklolo sa mga naka-duty na barangay official sa lugar na tumulong para siya ipa-medical at magsampa ng reklamo sa pulisya.
Nakatakdang ipatawag ang nasabing suspek subalit kailangan pa umanong iberipika kung ito ay talagang miyembro ng Philippine National Police at kung saan nakadestino para sa ipadadalang summon.