MANILA, Philippines – Anim na umano’y holdaper na pinaniniwalaang aatake sa ka-lagitnaan ng Thanksgiving Procession ng Itim na Nazareno ang natimbog habang nagpa-pot session sa nakaparadang tricycle sa likod ng Quinta market sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling- araw.
Sa detalyeng ibinigay ni PO1 Alexander Bioso, nakapiit na ang mga suspek na kinilalang sina Erickson Villar, 27, ng Varona st., Tondo; Dennis Gonza-les, 22, ng Basan st., Quiapo; Jerick Narciso, 21, Globo De Oro st., Quiapo; Jonathan Abustan, 23, ng Basan st., Quiapo; Paul Aris Noriega, 30, ng Oroquieta st., Sta. Cruz at Aries Villa, 20, ng Norzagaray, Quiapo, pawang sa Maynila.
Narekober sa mga suspek ang isang kalibre .38 baril; isang kalibre .45 at 2 pen gun, iligal na droga at drug paraphernalias. Nasamsam din sa kanila ang isang cellphone na naisoli pa ng mga awtoridad sa biktimang babae.
Ayon kay Chief Insp. John Guiagui, alas 3:00 ng madaling-araw kahapon bago pa magsimula ang Thanksgiving Procession ng Black Nazarene ay nagsagawa muna sila ng preventive criminality campaign.
Natiyempuhan nila sa pag-iikot ang mga suspek na ang ilan ay sakay ng nakahimpil na tricycle at ilan ay nasa kubol na diumano’y nagpa-pot session.
Nang rikisahin, nakuha sa kanila ang mga baril, cellphone at isang maliit na sachet ng shabu at drug paraphernalias.
Inihahanda na ang isasampang reklamong illegal possession of firearms, possession of illegal drugs at drug paraphernalias sa Manila Prosecutor’s Office.