MANILA, Philippines – Bumagsak mula sa motorsiklo at binawian ng buhay ang isang 28-anyos na miyembro umano ng True Brown Style (TBS) gang nang barilin ng miyembro naman ng kalabang grupo sa Barrio Obrero, Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si Ricard Tenorio, ng Vizcaya st., Tondo, Maynila dahil sa tama ng bala sa ulo at kilay.
Hinahanting na ng mga awtoridad ang mga suspek na nakilala sa mga alyas na “Ron-ron” at “Wa”, sinasabing mga residente ng Hermosa, Tondo.
Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-8:07 ng gabi, sa panulukan ng Roxas at Gomez Sts., sa Bo. Obrero.
Nakita umano ang dalawang suspek na matagal na nag-aabang sa nasabing kalye at nang dumaan na ang biktima lulan ng motorsiklong Yamaha Mio ay nagmenor ito na posibleng namataan din ang mga suspek.
Mabilis namang bumunot ng baril ang suspek na si Ron-ron at pinaputukan kaagad sa ulo ang biktima na ikinabuwal nito mula sa motorsiklo. Nang nasa lapag na ay malapitan pang pinutukan sa mukha ang biktima.
Nagsilbing alalay lamang umano si alyas Wa na pumulot muna sa basyong bala sa kalye bago sila magkasamang tumakas.
May impormasyon na resbak ng grupo ng suspek ang nangyari dahil bago ang Pasko ay unang umatake umano ang biktima laban sa mga suspek.