MANILA, Philippines – Pinaalalahanan kahapon ng Marikina City Government ang kanilang mga residente na mahigpit nilang ipatutupad ang firecracker ban sa lungsod kaugnay ng pagsalubong ng Bagong Taon mamayang hatinggabi.
Ayon kay Marikina Mayor Del de Guzman, huhulihin ng mga pulis at barangay official ang mga magpapaputok sa mga residential areas sa New Year’s Eve.
Ayon sa Alkalde, nais nilang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa paputok, partikular na ang mga bata.
Papayagan lamang ang paggamit ng mga legal na firecrackers sa mga itinakda nilang lugar tulad ng mga parke at basketball courts.
Hinikayat rin niya ang mga residente na sa halip na magpaputok ay gumamit na lamang ng alternatibong pamamaraan nang pag-iingay sa pagsalubong sa bagong taon tulad ng torotot, pagbusina ng mga sasakyan, pagpapatugtog ng mga radyo at telebisyon, at pagpukpok ng mga takip ng kaldero at kaserola.