MANILA, Philippines – Makaraan ang anim na taong pagtatago, nadakip na rin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang sinasabing No.2 Most wanted na responsable sa pagpatay at serye ng pagnanakaw sa lungsod.
Iniharap ni MPD Director Chief Supt. Rolando Nana kay Manila Mayor Joseph Estrada ang suspek na si Bernie Ladia, 26, residente ng Tabang, Guiginto, Bulacan.
Ang pagkakaaresto kay Ladia ay batay na rin sa warrant of arrest na inisyu ni Manila Regional Trial Court Judge Aida Rangel Roque ng Branch 25.
Batay sa record si Ladia ang itinuturong pumatay kay Brgy. Chairman Reynaldo“ Pepe” Jornales ng Brgy. 109 Zone 9, Tondo, Maynila noong Disyembre 29, 2009.
Sinasabing si Ladia ay kasama din sa grupong Lupin Gang at Devil BadBoys Gang na anim na taon nang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ayon kay Chief Insp. Roberto Mupas, hepe ng District Special Operation Unit ng MPD, matagal na nilang minamanmanan si Ladia hanggang sa makumpirma nila ang pinagtataguan nito.
Agad na inihain ang warrant of arrest kay Ladia sa Ugbo St. Tondo, Maynila.
Binigyan diin naman ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na indikasyon lamang ito na hindi nagbabakasyon ang kapulisan upang mabigay ang hustisya sa mga biktima ng iba’t ibang krimen.
Pinaghahanap naman ang isa pang karamahan ni Ladia na si Jonel Enriquez alyas Lupen.