MANILA, Philippines – Paluluwagin ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang mga kalye sa lungsod sa susunod na taon.
Ayon kay MTPB Director Carter Don Logica, sisikapin nilang malinis at mapaluwag ang kalsada sa lungsod sa pagsisimula ng taon upang mas maging madali para sa mga motorista.
Sinabi ni Logica na kailangan muna nilang intindihin ang sitwasyon ng trapiko sa lungsod dahil Yuletide Season subalit minomonitor pa rin nila ang daloy nito.
Sa katunayan ay nagpapakalat pa rin sila ng kanilang mga tauhan sa iba’t ibang lugar kung saan dumadagsa ang mga mamimili.
Katuwang nila dito ang mga tauhan ng MDTEU sa pamumuno ni Chief Insp. Olive Sagsaysay.
Kasabay nito, umapela din si Logica sa mga driver na huwag maging pasaway at maging disiplinado sa kalsada.
Kadalasang nangyayari na ang kawalang disiplina ng mga motorista ang siyang nagiging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.