Parak sinita sa pag-inom sa presinto, nanutok ng kapwa pulis
MANILA, Philippines – Isang bagitong pulis ang arestado matapos tutukan ng baril ang antigong kabaro nito na sumita sa ginagawa niyang pag-inom ng alak sa loob ng presinto noong bisperas ng Pasko sa Caloocan City.
Kinilala ni Police Sr. Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police ang suspek na si PO1 Gregorio Rollan, Jr. 33, nakatalaga sa Caloocan City Police Community Precinct (PCP) 7 at residente ng Block 22 Lot 13 Samaria Village, Barangay 187 Tala ng nasabing lungsod na nahaharap sa mga kasong grave threat, challenging to a duel at unjust vexation bukod pa sa kasong administratibo na kakaharapin nito.
Sa imbestigasyon ni P01 Alvin Pascual, alas-11:20 ng gabi noong bisperas ng Pasko nang magsagawa ng inspeksyon si SPO2 Edilberto Safuentes, 47, nakatalaga rin sa naturang presinto at residente ng Block 14-D Lot 15 Brgy., Longos, Malabon City at napansin nito ang pag-inom ng alak ni Rollan sa loob ng presinto.
Sinabihan umano ni Safuentes si Rollan na itago at gawing simple lang ang pag-inom, subalit sa halip na sumunod ay nagalit pa umano ang bagitong pulis hanggang sa mauwi sa pagtatalo ang mga ito.
Sa gitna ng kanilang sagutan, bumunot ng baril si Rollan at tinutukan si Safuentes subalit, kaagad na umawat ang iba pang mga pulis sa loob ng presinto hanggang nakuha ang hawak na baril ng bagitong pulis.
- Latest