Ginalit ni misis, driver inatake sa puso habang nagmamaneho

Crime scene

MANILA, Philippines – Patay ang isang 31-an­yos na tsuper ng dyip nang atakihin sa puso habang nagmamaneho kasunod ng pakikipag-away sa live-in partner sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Natagpuang nakasub­sob sa manibela ang biktimang si Alvin Cuarenta, ng no. 1012 Palawan St., Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section­, alas-7:30 ng gabi nang madis­kubreng patay ang biktima habang nakahimpil sa kanto ng Tayuman at Kalimbas St. Sta. Cruz, Maynila ang kaniyang minamanehong dyip.

Nabatid na galit pa ang biktima sa kinakasamang si Rowena Moreno, 27, kaya binitbit ang 2-taong gulang na anak patungo sa bahay ng kaniyang mga magulang subalit hindi pa umano nagtatagal ay may nagbalita na inatake ang biktima sa mismong pagmamaneho ng dyip.

Madalas umanong mag-away ang mag-asawa at kamakalawa ng gabi (Dis. 25) na dapat ay magsaya para sa Pasko ay muling nagtalo ang dalawa.

Aminado umano ang misis na may matagal nang iniindang kirot sa dibdib ang biktima at madalas din ang pagsakit ng tiyan.

Dahil sa binalewala ay hindi na natukoy kung may sakit sa puso ang biktima na ang sintomas ay nararamdaman nito.

Show comments