MANILA, Philippines – Dahil mahal ang pamilya kahit kapos sa buhay, isinaoli ng isang taxi driver ang naiwang pera ng kanyang pasahero sa loob ng kanyang minamanehong sasakyan na umaabot sa P300,000.
Sa kanyang ulat sa punong tanggapan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board sa QC, sinabi ni Atty. Jose Marie Lamparero, legal council ng LTFRB Iloilo, naiwan ng isang pasahero ang pera sa Light of Glory taxi na minamaneho ni Ancelmo Nava matapos na maghatid ng pasahero sa airport nitong December 18.
Kuwento ni Lamparero na hindi ito ang unang pagkakataon na nagsoli ng naiwan na gamit at pera si Nava na naiiwan sa minamaneho nitong taxi.
Anya, una nang nagsoli ng laptop at P80,000 si Nava sa kanyang operator na si Atty. Joseph Vincent Go na siya namang nakipag- ugnayan para maibalik sa may-ari ang naiwang salapi at gamit.
Bilang pagkilala, agad na nagpadala ng P10,000 si LTFRB boardmember Ariel Inton sa kanilang tanggapan sa iloilo upang ibigay sa una bilang pabuya sa katapatan nito sa kanyang trabaho.
Bukod pa umano sa ibibigay na pera ni Inton ay may pabuyang pera din ang LTFRB Iloilo sa taxi driver.
Umapela naman si Inton sa mga tsuper sa buong bansa na maging halimbawa sana nila si Nava upang maalis ang masamang imahe ng ibang tsuper ng taxi na sinasabing arogante, bastos at walang pasubali sa kanilang mga pasahero.