MANILA, Philippines – Apat katao kabilang ang dalawang babae na umano’y kawani ng gobyerno ang nadakip ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Illegal Drugs Division (NBI-AIDD) sa magkakahiwalay na operasyon sa Pasay City, Las Piñas at Muntinlupa City, nitong nakalipas na Dis-yembre 21, 22 at 23.
Ayon sa source, ang nasabing follow-up operations ay kaugnay pa rin ng pagkamatay ng tatlo sa 5 suspek na pakay sa drug operation na isinagawa ng grupo ng NBI-AIDD sa isang mall sa Pasay City, kung saan nakuha ang may kalahating kilo ng shabu at mga bala ng kalibre .45.
Ikinasa ang follow-up operation kung saan nadakip sa may Macapagal Boulevard, sa Pasay City ang isang babae na nasamsaman ng may 3 kilo ng shabu. Nakuha rin dito ang mga contact number, pangalan at lugar ng iba pang pagbabagsakan ng droga.
Dahil sa hawak na mga impormasyon, Disyembre 22 ay tinungo naman ng operatiba ang isang sa Las Piñas kung saan naaresto sa entrapment ang isang lalaking nasa 20 hanggang 25 din na bumili ng isang kilo ng shabu.
Dalawa pang suki diumano ang kasunod na na-entrap sa Katarungan Village, sa Muntinlupa City na sinasabing kapwa babae na empleyado umano ng Bureau of Corrections (BuCor) na nagbunyag na sila ay mga inutusan lamang ng kanilang ‘amo’ sa pagbili ng droga.
Ang apat ay nakatakdang sampahan ng NBI ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dange-rous Drugs Act of 2002 o RA 9165 .
Sinabi ng source na hindi muna ibinubunyag sa media ang pagkilanlan ng mga suspek upang hindi umano masunog ang kanilang operasyon na patuloy pang isinasagawa sa kabila ng Kapaskuhan.