May atraso sa tatay, binoga ng anak

MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondis-yon ang isang tricycle dri-ver nang pagbabarilin ng kanyang kapitbahay na siyang gumanti sa atraso ng biktima sa kanyang ama, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Isinugod sa Tondo Me­dical Center dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan ang 40-anyos na si Enrico Zamora, Jr., ng  Aquino Street, Niu­gan, ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na si Jonjon Falle, 31, residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng pulisya, nag­lalakad sa kanilang lugar para bumili sa tindahan ng kape ang biktima dakong alas- 11:50 ng gabi nang sundan ng suspek.

Narinig pa ang suspek na minura si Zamora at sinabing may atraso ito sa kanyang ama saka pinagbabaril.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct 9 pero hindi na inabutan ang suspect.

Show comments