MANILA, Philippines – Isang ginang ang dinampot ng pulisya matapos na makuhanan ito ng isang lala-king fetus na dinadala niya habang nanghihingi ng pamasko sa mga residente sa kahabaan ng Mother Ignacia Avenue, sa lungsod Quezon.
Sa ulat ng Quezon City Police Station 10, ang ginang ay nakilalang si Ernesta Mercare, isang Badjao na lumuwas lamang ng Metro Manila para manghingi ng Pamasko.
Ayon sa ulat ni PO2 Virginia Balbernoa, ng PS10, si Mercare ay dinampot ng Barangay South Triangle sa pamumuno ni Pamela Maracha sa may kahabaan ng Mother Ignacia Avenue, kanto ng Sct. Borromeo, ganap na alas-10 ng umaga.
Isinagawa ang operasyon makaraang makarating sa kaalaman ng barangay na umano’y isang ginang na may kasama pang ibang miyembro ng Badjao ang may bitbit ng fetus habang nanghihingi ng pamasko sa nasabing kalye.
Ang fetus na nakuha sa ginang ay nangangamoy na dahil sa naagnas na ito habang nakabalot sa papel at nakalagay sa loob ng isang platic box. Sinasabing ipinapakita anya ng ginang ang fetus sa bawat taong hinihingan nito ng pamasko o limos.
Sabi ng isang social worker, pinalalagay anya ng mga Badjao na tulad ng ginang na suwerte sa kanila ang may dalang fetus kung kaya hindi nila ito itinapon, pero maaaring magdulot ng masama sa kanilang kalusugan lalo na at naagnas na ito.
Sabi pa sa ulat, sinamahan ng mga taga social worker ang umano’y nanay sa pagdadala ng fetus sa Laguna upang doon ito ilibing.
Samantala, ang kaso ay hawak na ng Criminal Investigation ang Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal, para sa pagsisiyasat.