MANILA, Philippines – Sinuspinde kahapon ng 30 araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 10 unit ng provincial bus na nasabit sa aksidente sa lalawigan ng Quezon noong December 21.
Ang 10 provincial buses ay kasama ng isang bus na may plakang TYM-583 na nasa ilalim ng franchise number 2007-694 na nasangkot sa isang aksidente sa may Quirino highway, Barangay San Vicente, Tagkawayan, Quezon na matinding nasugatan ang 50 pasahero nito sa naturang aksidente.
Kaugnay nito, inatasan na ng LTFRB ang bus owner na si Eduardo Palma na isurender ang plaka ng 10 sasakyan sa ahensiya at ipabusisi sa Motor Vehicle Inspection Section ng LTO ang mga sasakyan para madetermina ang road worthiness ng mga sasakyan.
Inutos din ng LTFRB board na ipa-drug test ang lahat ng driver at conductor ng naturang mga sasakyan gayundin ay magsumite ang mga driver ng 10 sasakyan ng Police clearance, NBI clearance, barangay clearance.
Pinasasailalim din ng ahensiya sa road safety seminar ang mga driver nito.
Itinakda ng LTFRB na isailalim sa pagdinig ng board ang kasong ito sa January 13, 2016.