MANILA, Philippines – Pansamantalang itinigil ng Land Transportation Office (LTO) ang pangongolekta ng plate replacement fee dahil sa notice of disallowance na inisyu ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, nangangahulugan ito na hindi muna kakailanganin ng mga vehicle owners na hindi pa nagbabayad ng bagong license plates, na magbayad ng P450, kapag pagre-renew sila ng kanilang registration.
Ang naturang P450 ay bayad para sa pagpapalit ng lumang plaka ng kanilang sasakyan.
“We are currently in the process of resolving the issue with the COA regarding the Plate Standardization Program. We hope issues will be resolved and COA lifts the disallowance so we can provide the public with plates for improved road safety,” ani Abaya.
Tiniyak naman ng LTO na kaagad nilang iisyuhan ng bagong standardized plates ang mga motoristang nakapagbayad na ng plate replacement fee, sa sandaling naresolba na ang isyu sa COA.
Matatandaang inilatag ng DOTC at LTO ang Plate Standardization Program noong Mayo 2014 para sa mga bagong rehistrong behikulo.
Noong Enero 2015, nag-isyu ang LTO ng Memorandum Circular No. AVT-2014-1895, na nagsasaad na kinakailangang palitan ng mga vehicle owners ang kanilang lumang license plates ng bagong standardized plates.
Layunin ng programa na supilin ang mga illegal na gawain tulad ng tanggal-plaka o plate removal at switching na ginagamit ng mga carnaper at mga kolorum na public utility vehicles.
Nangangahulugan din ito ng phase out ng siyam pang iba’t ibang disenyo ng mga license plates.