Estudyanteng Nigerian, huli sa karnap
MANILA, Philippines - Huli sa akto ang isang estudyanteng Nigerian habang minamaneho nito ang isang ‘hot car’ sa may service road ng Roxas Boulevard, kamakalawa ng hapon.
Nakapiit na sa Manila Police District-Anti-Carnapping and Hijacking Section ang suspek na si Basharo Galadima, 26 at nanunuluyan sa Room 11 Golden Mango Inn, J. Bocobo St., Malate, Maynila.
Nabatid na pormal na naghain ng reklamo ang biktimang si Carl Julius Federico, 34, negosyante ng Block 6, Lot 12, Sierra Madre St., Bermuda Subdivision, Pamplona 1, Las Piñas City laban sa suspek.
Nabatid na sa pamamagitan ng online ay ibinebenta niya ang sasakyang Mazda 2011 model (POM 108) at nag-inquire ang suspect hanggang sa nagkita sila sa restaurant at nag-usap ng presyo noong nakalipas na Disyembre 15. Maya-maya ay lumabas umano ang suspek na hawak ang susi ng sasakyan, subalit ang paalam ay maninigarilyo lamang subalit nakita ng biktima na sinakyan nito ang kotse at pinaharurot at hindi na bumalik.
Ipinaalarma ng biktima sa pulisya ang pagtangay ng suspek sa kanyang sasakyan hanggang sa mamataan umano ito kamakalawa ng hapon na nakasakay pa sa nasabing kotse at pansamantalang nakaparada sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Malate.
Nang lalapitan nina PO1 Alde Salazar at PO1 Mark Lorenzo Mateo, nakatalaga sa Remedios Police Community Precinct, dakong ala-1:30 ng hapon ay lumabas ng kotse at nagtatakbo ang suspek hanggang sa makorner sa seawall ng Baywalk.
- Latest