MANILA, Philippines - Sa ika-9 na pagkakataon muling nagsagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Bureau of Corrections sa loob ng New Bilibid Prison kung saan muling na namang nakakumpiska ng mga kontrabando sa ilang selda ng mga preso sa Muntinlupa City, kahapon.
Ayon kina BuCor Director Retired General Ricardo Rainier Cruz 3rd at NBP Supt. Richard Schwarzkopf, isinagawa ang operasyon sa medium security compound, ng naturang bilangguan.
Sa kanilang pagsalakay ay muling nakasamsam ng mga appliances, electronic gadgets, mga patalim at drug paraphernalias mula sa ilang selda ng mga preso at bisinidad nito tulad ng hardin at visiting halls.
Ang ilan sa mga nakumpiskang mga kontrabando tulad ng appliances ay napag-alaman na hiniram umano ng mga preso sa ilang BuCor personnel kung saan ang ilang BuCor personnel ay inisyuhan ng appliances para sa opisyal nilang gamit.
Nabatid na ang ibig lang sabihin nito, mismong ilang kawani ng BuCor ang kumukunsinti sa ilang inmates na gumamit ng appliances na itinuturing na kabilang ito sa mga kontrabando.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang BuCor ukol dito. Matatandaan, na noong Disyembre 8 ng taong kasalukuyan, anim na prison guards ang nakuhanan ng mga kontrabando na sumasailalim sa imbestigasyon ng BuCor.