Peace and order pananatilihin
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Joseph Estrada na mas pasisiglahin pa nila ang tourist belt sa susunod na taon.
Ang paniniyak ay ginawa ni Estrada kasabay ng kanyang pagdalo sa gift giving ng Ermita-Malate Business Owners Association (EMBOA) sa 500 kapus-palad na ginanap sa Remedios Circle, Malate, Maynila.
Ayon kay Estrada, mas pag-iibayuhin pa rin nila ang pagpapaganda at pagpapasigla ng tourist area kung saan maeengganyo ang mga turista at negosyante na mamumuhunan sa bansa sa pamamagtan ng pananatili ng peace and order.
Ito lamang ang kanyang nakikitang solusyon upang maibalik ang ningning at sigla ng Maynila.
Malaki din ang pasasalamat at apela ni Estrada kay Manila Police District-Station 5 commander Supt. Albert Barot dahil sa pagbaba ng bilang ng mga petty crimes sa kanyang nasasakupan. Indikasyon lamang ito na tinutupad ng mga pulis ang kanilang responsibilidad sa publiko.
Sinabi naman ni Barot na pinadagdagan niya ang police visibility sa lugar na kanilang nasasakupan lalo pa’t papalapit ang Pasko at Bagong Taon. Inaasahan na rin ang pagdagsa ng mga mamamasyal at mamimili kaya’t kailangan ang sapat na seguridad.
Samantala, sinabi naman ni Michelle Pe, Presidente ng EMBOA na ang kanilang ginawang gift giving ay paraan ng kanilang pasasalamat sa may 16 na barangay na sama-samang nagbibigay ng oras, pagod para sa ikauunlad at ikagaganda ng buong Ermita, Malate.