MANILA, Philippines – Inaresto ng mga otoridad ang isang mag-ama matapos na makuhanan ng 130 kilos ng marijuana sa kanyang sasakyan sa isang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa North Luzon Expressway sa Balintawak, lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Chief Insp. Nino Briones ng Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG-NCR) ang mga suspect na sina Moises Simsim, 37 at kanyang 16 anyos na anak.
Narekober mula sa kanila ang 130 kilos ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1.8 milyon.
Nasakote ang mag-amang Simsim habang sakay ng isang for-rent Toyota Hi-Ace van (ULK-915) nang masabat sila ng mga tropa mula sa CIDG, Highway Patrol Group at ng Meycauayan police station.
Ayon naman kay CIDG head Chief Supt. Victor Deona, hindi batid ng mag-ama na sinusundan na sila ng mga operatiba mula Benguet hanggang Balintawak, matapos na makatanggap sila ng impormasyon na isang van na may sakay ng marijuana ang palabas ng Metro Manila.
Ang iligal na droga ay isinakay sa nirentahan nilang van sa La Trinidad, ganap na alas-10 Sabado ng gabi at dumating sa Balintawak, ganap na alas-8:30 kahapon ng umaga kung saan sila nasabat.
Sabi ni Chief Insp. Elizabeth Jasmin, tagapagsalita ng CIDG, inamin umano ng binatilyo na tatlong beses na siyang nasangkot sa trafficking. Ang nanay ng bata ay isang overseas Filipino worker sa Jordan.
“They were initially accompanied by a female companion, who got off somewhere in Tarlac and promised to pay them at the airport,” sabi ni Jasmin.
Mula Balintawak, ang marijuana ay dadalhin sana sa Dangwa Flower Market sa Manila, matapos nito ang damo ay dadalhin naman sa airport.
Makikipagkita sana si Simsim sa isang babaeng kasamahan sa airport para magbayad sa nirentahang van na P15,000, pero naaresto na sila ng otoridad at nakuha ang nasabing kontrabando.
Ang matandang Simsim ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang anak naman nito ay ibibigay sa pangangalaga ng social welfare workers.