Biktima pinagdroga 2 pulis arestado sa robbery extortion
MANILA, Philippines – Dalawang pulis ang naaresto ng mga tauhan ng Manila Action and Special Assignment (MASA) Manila City Hall Detachment sa isinagawang entrapment operation kamakalawa ng gabi matapos iturong nangidnap at humingi ng kotong sa isang negosyante sa Sta. Cruz, Maynila, sa ulat kahapon.
Kasalukuyang nakakulong sa MASA ang mga suspek na sina PO1 Johnrey Bautista, 34, nakatalaga sa Northern Police District (NPD) at residente ng Block 15, Lot 98, Phase 2, Area A, Dagat-Dagatan, Malabon City at PO1 Ernesto Borleo Jr., kasalukuyang Absent without Leave (AWOL) na umano’y nakatalaga sa NCRPO-Regional Police Holding and Accounting Unit (RPHAU) sa Bicutan, Taguig City at residente ng No. 991 Int. 10 Morong St., Manuguit, Tondo.
Ayon kay MASA Chief, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr. nagtungo sa kanilang tanggapan ang isang Clint Tality, 22, binata, ng 2247 Oroquieta St., Sta Cruz, Maynila kaugnay sa pagdetine sa kaniya ng dalawang suspek noong Miyerkules.
Sa report ni Irinco kay Supt. Albert Barot, hepe ng MPD-Station 5, alas-10 ng gabi ng magsagawa ng entrapment operation ang grupo ng MASA na kinabibilangan nina Insp. Rommel Purisima at Sr. Insp. Peter Nerviza sa panulukan ng Rizal Avenue at Laguna St., Sta Cruz.
Lumilitaw na dakong alas-1:30 ng madaling araw nang biglang bitbitin ng mga nagpakilalang pulis si Tality habang nakasakay sa kanyang motorsiklo sa harap ng kanyang bahay at pinosasan.
Humingi umano ang mga suspek sa pamilya ng biktima ng P40,000 subalit nagkaroon ng negosasyon na umabot na lamang sa P6,500.
Sa pagnanais na makuha ang balanse ay muling nakipagtext ang mga suspek sa pamilya ng biktima na nabatid na nakipagnegosasyon na sa pulis hanggang sa isinagawa ang entrapment operation.
Ayon kay Irinco, sa halos dalawang araw ay pinagdodroga pa umano ng mga pulis ang biktima.
Sasampahan na ng mga kasong kidnapping, robbery, physical injury at robbery (extortion) ang dalawang pulis habang pinaghahanap naman ang isa pang nakatakas.
- Latest